Ano ba ang kualipikasyon para sa mga botante at kandidato sa gaganaping kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections?
Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga botante ay may pagkakataong pumili ng dalawang kategorya sa kanilang balota: isang Partidong Politikal (Political Party) at isang Kinatawan ng Distrito (District Representative).
Sino ang Mismong Makakaboto?
Upang makaboto sa makasaysayang halalang ito, kinakailangang matugunan ng isang mamamayan ang mga sumusunod na pamantayan:
- Pagkakatira: Nakatira sa Pilipinas nang hindi bababa sa isang (1) taon, at nakatira sa lungsod o munisipalidad sa loob ng BARMM kung saan niya balak bumoto nang hindi bababa sa anim (6) na buwan bago ang araw ng halalan.
- Edad at Pagkamamamayan: Pilipino na may edad 18 pataas sa araw ng halalan at walang anumang legal na diskwalipikasyon.
- Katibayan ng Tirahan sa Espesyal na Sitwasyon: Ang sinumang lumipat ng tirahan sa ibang lungsod, bayan, o bansa dahil lamang sa trabaho, pag-aaral, o pagkakakulong/pagkakadetine sa mga pampublikong institusyon ay hindi maituturing na nawalan ng kanilang orihinal na residency.
Mga Kualipikasyon ng mga Kandidato
Inilahad din ang mga kinakailangang pamantayan para sa mga nais tumakbo sa parliament:
- Party Representative:
- Mamamayang Pilipino na may edad na hindi bababa sa 25 taong gulang sa araw ng halalan.
- Rehistradong botante sa BARMM at miyembro ng partido nang hindi bababa sa anim (6) na buwan bago ang halalan.
- Hindi tumatakbo sa anumang elective position sa labas ng Bangsamoro Parliament, kabilang ang alinman sa kanilang mga kamag-anak hanggang fourth civil degree of consanguinity o affinity.
- District Representative:
- Mamamayang Pilipino na may edad na hindi bababa sa 25 taong gulang sa araw ng halalan.
- Rehistradong botante sa mismong distrito kung saan siya tumatakbo bilang kandidato.
- Sectoral Representatives:
- Mamamayang Pilipino na may edad na hindi bababa sa 25 taong gulang sa araw ng halalan.
- Nakatira sa rehiyon nang hindi bababa sa isang (1) taon at rehistradong botante sa BARMM.
- Kabilang sa kinabibilangang sektor na kinakatawan: kababaihan, kabataan (18-30 taong gulang), mga tradisyunal na lider, o Ulama.
Mekanismo ng Alokasyon ng mga Pwesto (Party Representatives)
Gagamitin ang isang mathematical formula para sa pagpapahagi ng pwesto sa mga partidong politikal:
- Porsyento ng Boto: Ang kabuuang botong nakuha ng bawat partidong politikal ay hahatiin sa kabuuang botong naipasok sa BARMM para sa party representative election.
- 2.5% Threshold Rule: Walang pwestong ilalaan sa alinmang partido na mabibigong makakuha ng porsyento ng boto na mas mataas sa 2.5%.
- Kwentada ng Pwesto: Ang porsyento ng boto ng bawat kwalipikadong partido ay mumultiply sa kabuuang bilang ng nakalaang pwesto. Ang buong numero (whole integer) ng lalabas na resulta ang magiging paunang bilang ng pwesto ng partido.
- Listahan ng Nominado at Quota para sa Kababaihan: Ang mga kandidatong irerekomenda ng partidong politikal ay maihahalal batay sa pagkakasunod-sunod sa listahan ng mga nominado. Tinitiyak na ang bilang ng mga kababaihang mananalo sa bawat partido ay hindi bababa sa 50%. Kapag kulang ang rehistradong kandidatong babae sa listahan upang mapunan ang quota, ang bakanteng pwesto ay ituturing na vacant.
- Natitirang Pwesto: Kung may natitira pang pwesto matapos ang paunang kwentada, ito ay ipamamahagi ayon sa laki ng natitirang remainder ng ratio ng bawat partido. Kapag nagkataong magkapareho ang natitirang residual ng dalawang partido para sa huling pwesto, pagpapasyahan ito sa pamamagitan ng lottery (pabunot).
Source: COMELEC/ Lente