Nakapagpaabot na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 2.3 milyong Family Food Packs o FFPs sa mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at Habagat sa nakalipas na halos apat na linggo.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, isa ito sa pinakamalaking deployment ng food packs sa kasaysayan ng ahensya.
Kabilang sa mga lugar na patuloy na tinutulungan ang mga komunidad sa Central Luzon at ilang bahagi ng Metro Manila na naapektuhan ng pagbaha, nitong weekend.
Kaugnay nito, tiniyak ng DSWD na may nakapre-posisyon pa itong 3,586,913 FFPs, mahigit 301,000 ready-to-eat food packs, at higit 282,000 non-food items sa mga strategic location sa buong bansa.
Patuloy ding pinupunan ng DSWD ang mga stockpile nito bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Pilandok.