Umabot sa 3,244 pamilya o 9,969 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers at iba pang evacuation sites sa Pangasinan dahil sa mga epekto ng malalakas na pag-ulan, pagbaha at iba pang insidenteng kaugnay ng habagat at mga bagyo.
Batay sa Situational Report No. 53 ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na inilabas alas-5 ng umaga nitong Agosto 31, 2026, kabilang dito ang 2,747 pamilya o 8,535 indibidwal na kasalukuyang nasa mga evacuation center.
Samantala, 497 pamilya o 1,434 indibidwal ang nasa mga evacuation site na nasa labas ng itinalagang evacuation centers.
Sa kabuuan, 358,626 pamilya o 1,235,587 indibidwal mula sa 637 barangay, 28 munisipalidad at apat na lungsod ang naiulat na naapektuhan ng kalamidad, bagama’t nagpapatuloy pa ang validation ng datos.
Kabilang sa mga naitalang epekto ang pagbaha sa 213 barangay sa 15 munisipalidad at dalawang lungsod hanggang Agosto 30. Mayroon namang 37 barangay sa dalawang munisipalidad at isang lungsod na iniulat na humuhupa na ang tubig-baha, habang nagsubsidya na rin ang flash flood sa 12 barangay sa tatlong munisipalidad.
Naitala rin ang landslide sa 17 barangay sa limang munisipalidad, gayundin ang river embankment erosion sa isang barangay, pagbagsak ng poste sa isang munisipalidad at pagkatumba ng puno sa isa pang lugar.
Wala namang naitalang casualty sa lalawigan hanggang sa oras ng paglalabas ng ulat.
Patuloy ang validation at monitoring ng PDRRMO sa mga lugar na naapektuhan habang nananatiling binabantayan ang kondisyon ng mga residenteng inilikas.