Sinibak sa puwesto ang Provincia Director ng Negros Oriental Police Provincial Officer gayundin ang anim na Chiefs of Police nito kasunod ng pagkaaaresto ng anim na indibidwal na sangkot sa illegal numbers game.
Isinagawa ang magkakahiwalay na operasyon nitong August 28 sa mga bayan ng Ayungon, Tayasan, Sibulan, Pamplona, Bayawan at Guihulngan sa pangungun ng Special Operations Group ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR).
Ayon sa PNP Public Information Office, sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9287 o Anti-Illegal Numbers Games Law ang mga naaresto.
Narekober sa operasyon ang betting slips, improvised betting receipts, claim stubs, notebooks na may iba’t ibang kombinasyon ng numero, ballpens, marked bet money, at cash na hinihinalang kita mula sa illegal numbers game.
Bahagi ng One-Strike Policy ng PNP ang pagkaksibak sa mga naturang opisyal ng pulisya bilang pagpapatupad ng command accountability sa kanilang areas of responsibility.
Itinalaga naman ang Deputy Regional Director for Operations ng PRO Negros Island Region bilang Officer-in-Charge ng Negros Oriental PPO, bukod sa kasalukuyan nitong tungkulin.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi sapat na may naaaresto lamang at kailangang tiyakin ng bawat hepe na walang puwang ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan.