Sa gitna ng mga matitinding bagyo, Habagat, at banta ng climate change, nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na suspindihin ang “earth-balling” o paglilipat ng mga bakawan (mangroves).
Sa ginanap na budget briefing para sa panukalang 2027 budget ng DENR noong Agosto 26, kinuwestiyon ni De Lima ang DENR Memorandum na inilabas noong October 8, 2025, na nagbibigay ng interim guidelines sa pag-earth-ball ng mga bakawan para sa flagship infrastructure projects.
Binigyang-diin ng mambabatas, na dapat munang suriin at tiyakin ang survival rate ng mga inililipat na bakawan bago naglabas ng naturang utos, lalo’t napakababa o halos walang nabubuhay sa mga ito matapos ilipat.
Una nang, naghain si de Lima ng House Resolution No. 1206 upang imbestigahan ang nasabing memorandum.
Suportado naman ng Global Mangrove Alliance Philippines (GMAP) ang hakbang ni De Lima, kung saan iginiit ng grupo na ang earth-balling ay gumagana lamang sa mga bata pa at maliliit na bakawan, ngunit lubhang delikado at hindi epektibo para sa mga matatandang bakawan na kadalasang naapektuhan ng mga proyekto.
Ayon sa kanya, dapat munang kumonsulta sa mga dalubhasa at magsagawa ng scientific study bago ginawang de facto policy ang paglilipat ng bakawan.