Umaasa ang House prosecution panel na papayag ang Senate Impeachment Court na palawigin ang mga oras at dagdagan ang araw ng paglilitis laban kay Vice President Sara Z. Duterte upang mapabilis ang proseso.
Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, na tumatayong impeachment adviser at spokesperson ng panel, malinaw nang naiinip ang taongbayan sa mabagal na usad ng pagdinig.
Binigyang-diin niya na malaki ang nabawas sa mga araw ng paglilitis dahil sa mga kanselasyon dulot ng masamang panahon at sa kawalan ng availability ng ilang testigo.
Inamin ni Barbers na hindi biro ang tungkulin ng mga senator-judge dahil kailangan nilang paghatian ang oras sa paglilitis at sa pagpasa ng mga batas.
Dahil dito, ipinanukala niya ang isang bagong iskedyul: isagawa ang legislative work sa umaga mula 9 AM hanggang 3 PM, at ituloy agad ang impeachment trial mula 3 PM “hanggang sawa.”
Bukod sa mas mahabang oras ng pagdinig, binalangkas din ni Barbers na gumagawa na ng paraan ang prosecution team para paikliin ang proseso.
Kabilang dito ang pagtatanggal sa listahan ng mga testigong mag-uulit lamang ng mga ebidensyang naisumite na sa rekord ng korte.