Sinisiguro ng National Bureau of Investigation ang masinsinang imbestigasyon laban sa isang pet crematorium sa San Jose Del Monte Bulacan matapos na mapaulat na itinapon lang umano ang dalawampu’t siyam (29) na bangkay ng alagang hayop sa isang bakanteng lote.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi katanggap-tanggap ang ginawang panloloko sa mga pet owner na nagbayad para sa cremation ng kanilang mga namatay na alaga.
Inatasan na ng NBI ang Environmental Crimes Division at ang kanilang mga regional office sa Central Luzon at CALABARZON na imbestigahan ang pasilidad.
Tutok ang pagsusuri sa posibleng kasong estafa, pagsuri sa mga permit at CCTV, science-based approach tulad ng forensic examination at pag-inspeksyon sa iba pang pet crematorium sa bansa.
Nanawagan din ang NBI sa mga apektadong pet owner na lumapit sa kanilang tanggapan at magsumite ng mga resibo at certificate upang makatulong sa paghahain ng kaso. | ulat ni Louisa Erispe