Pinag-aaralan na ng Commission on Audit (COA) ang posibleng pagbabago sa 11-year old circular nila tungkol sa pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Ito ay sa gitna ng nagiging talakayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte tungkol sa naging paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education (DepEd) noon.
Sa budget hearing ng COA, sinabi ni COA Commissioner Douglas Malillin na muling sinusuri ng komisyon ang Joint Circular No. 2015-01.
Ayon kay Malillin, nakita ng COA na may ilang bahagi ng circular na nangangailangan ng pagbabago o paglilinaw.
Kabilang dito ang mga supporting documents o dokumentong nagpapatunay sa mga bayarin, lalo na ang impormasyong dapat nakapaloob sa mga ito at kung paano matutukoy ng mga auditor kung sapat ang naturang dokumentasyon.
Sinabi rin ni Malillin na kailangang pag-aralan ang mga panuntunan sa paggamit ng aliases o alyas ng mga indibidwal na sangkot sa confidential activities.
Ayon sa commissioner, hindi tahasang ipinagbabawal pero hindi rin malinaw na pinahihintulutan ng kasalukuyang joint circular ang paggamit ng mga alyas.
Maaari rin aniyang dagdagan ang mga requirement para sa mga indibidwal na may kaalaman sa tunay na pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng alyas.
Bukod dito, nais ding tingnan ng COA ang kawalan ng malinaw na probisyon sa evidence of success at causal links, na mahalaga aniya sa pagbibigay ng reward at isa sa mga pinapayagang paggagamitan ng confidential funds.
Mahalaga rin, ayon kay Malillin, na matukoy ng COA ang pagkakakilanlan ng mga informant na ginagamit sa confidential activities para sa audit.
Gayunpaman, kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng pangangalaga sa pagkakakilanlan ng mga informant at pagbibigay sa COA ng sapat na access para maisagawa ang audit nang hindi nalalagay sa panganib ang national security at confidentiality ng operasyon.
Bukod sa mga dokumento at pagkakakilanlan, sinabi rin ni Malillin na kailangang muling suriin ang proseso ng pag-isyu ng credit notices at notices of disallowance.
Ayon sa COA, layunin ng posibleng pagbabago sa joint circular na mas malinaw na maipatupad ang mga panuntunan sa paggamit at pag-audit ng confidential at intelligence funds, habang napoprotektahan ang lehitimong pangangailangan para sa confidentiality.