Photo courtesy of Presidential Communications Office
Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilan sa mga nagawa ng pamahalaan para sa education sector ng bansa, upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at mabigyan ng mas magandang pagkakataon ang mga Pilipino.
Sa paglagda sa mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) sa Malacañang, binanggit ng pangulo ang paglawak pa ng mga maaabot ng libreng higher education sa bansa.
“We have increased Free Higher Education beneficiaries from two million students to now 2.6 million students in the first semester of this academic year,” – Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, makatutulong ang pinaigting na batas, upang mapalawak ang tulong ng pamahalaan para sa mga estudyanteng kumukuha ng college at vocational courses.
Binanggit din ng pangulo ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program na inilunsad noong Enero para sa mga mahusay na nagtapos ng Senior High School na kukuha ng mga prayoridad na kurso sa higher education o TVET.
“In January of this year, we launched the Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program, which caters to outstanding Senior High School graduates pursuing priority degree programs in higher education or priority TVET diploma programs,” – Pangulong Marcos.
Aniya, dumami ang undergraduate scholars sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST)-Science Education Institute.
Mula sa humigit-kumulang 45,000 noong School Year 2022-2023 hanggang 48,520 noong School Year 2025-2026.
Pagbibigay diin ng pangulo, maituturing ang mga kabataan bilang mga binhi ng kinabukasan ng bansa.
Ang nais aniya ng gobyerno, makita ang mga estudyante na umunlad, magtagumpay, at maabot ang kanilang ganap na potensyal.
“Tulad lang ng nabanggit ko sa aking SONA ngayong taon, ang edukasyon pa rin ang pangunahing nagtataguyod ng kakayahan, kung kaya ito ang nangunguna sa listahan ng aking administrasyon,” – Pangulong Marcos.