Apektado pa rin ng mga pagbaha ang malaking bahagi ng Tarlac bunsod pa rin ng epekto ng mga nagdaang bagyo at matinding Habagat na nagdala naman ng walang-tigil na ulan.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay Tarlac PDRRMO Head Marvin Guiang, sinabi nitong apektado ng masamang panahon ang lahat ng munisipalidad ng Tarlac kung saan aabot sa higit 300 barangay ang labis na naapektuhan.
Pinaka-apektado naman sa mga munisipalidad ang Paniqui, Moncada, at Camiling na tinututukan na ngayon ng pamahalaang panlalawigan.
Pagdating sa casualty ay dalawa pa lang ang kanilang naitala habang may dalawa rin ang naitalang nawawala.
Nasa 40 evacuation centers naman ang nananatiling bukas kung saan nasa higit 2,000 pamilya ang nananatili.
Pumalo naman sa 43 flood control structures ang nasira dahil sa matinding pag-ulan kung saan hindi pa kasama dito ang mga nasirang daanan at tulay.