Emosyonal si Negros Occidental Representative Janice Degamo sa ibinabang hatol ng korte laban sa tatlong indibidwal na sangkot sa Pamplona Massacre.
Aniya, maaaring isa lamang itong desisyon ng korte para sa iba, pero para sa kaniya na nawalan ng asawang si dating Negros Oriental Governor Roel Degamo, isa itong mahalagang hakbang tungo sa hustisya.
Ayon kay Degamo, mahigit tatlong taon na mula nang mapaslang ang kaniyang asawa ngunit nananatili ang sakit at pangungulila sa pagkawala nito bilang asawa, katuwang, at ama ng kanilang pamilya.
Tatlo sa mga nasangkot sa Pamplona Massacre ang napatunayang guilty sa illegal possession of firearms and explosives, kung saan dalawa sa mga ito ang haharap sa reclusion perpetua.
Giit ni Degamo, hindi na maibabalik ng anumang desisyon ng korte ang kaniyang asawa at hindi na rin mababawi ang pagdurusang dinanas ng mga pamilya ng mga biktima.
Gayunman, aniya, mahalaga ang bawat conviction dahil patunay itong hindi nakakalimot ang hustisya at unti-unting napapanagot ang mga responsable sa krimen.
March 4, 2023, sinalakay ng grupo ng mga armadong lalaki ang tahanan ng dating governor sa Pamplona, Negros Oriental. Napatay sa insidente si Degamo at siyam na iba pa, habang marami ring nasugatan.