Iginiit ng Department of Foreign Affairs o DFA na mas nararapat idaan ng China sa diplomatic channels ang mga pahayag at usapin nito sa Pilipinas, partikular sa isyu sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pagkuwestyon ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio kung bakit tila tahimik ang ahensya sa mga pahayag at umano’y misinformation ng Chinese Embassy sa X o dating Twitter.
Sa budget hearing, kinumpirma ng DFA na authentic ang X account ng Chinese Embassy in Manila na ginagamit nito sa pagpapahayag ng posisyon ng China.
Ayon sa DFA, batid nila ang paraan ng Chinese Embassy sa paglalabas ng mga pahayag at naiparating na rin nila sa panig ng China na dapat gamitin ang diplomatic channels bilang tamang forum sa mga usapin sa pagitan ng dalawang bansa.
Aminado naman ang DFA na ginagamit ng Chinese Embassy ang publiko, media at social media upang ilahad ang posisyon nito sa South China Sea at West Philippine Sea.
Sinabi ng DFA na may mga pagkakataong sinasagot nila ang mga pahayag ng China, lalo na kung taliwas sa katotohanan ang mga ito, habang may ilan namang hindi na nila pinapatulan dahil paulit-ulit lamang ang argumento.
Sa ngayon, sinabi ng DFA na nakapaghain na sila ng 39 diplomatic protests ngayong taon, bagama’t hindi lahat ng ito ay direktang kaugnay ng mga pahayag ng Chinese Embassy.