Pagganap sa trabaho at hindi personal na koneksyon ang magiging batayan sa promosyon, pagtatalaga, at pagkuha ng mga empleyado sa Bureau of Customs (BOC).
Ito ang tiniyak ni Bureau of Customs Commissioner Charlito Martin Mendoza sa kaniyang unang flag-raising ceremony kasama ang mga kawani ng ahensya sa Maynila kahapon, November 23.
Kasabay nito, inatasan ni Mendoza ang mga tauhan ng BOC na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling, partikular ang ilegal na pagpasok ng mga produktong agrikultural sa bansa.
Nais din ng bagong Customs chief na bawasan ang red tape, gawing mas simple ang mga proseso at dokumentong kailangan sa mga transaksyon, at tiyaking malinaw at hindi pabago-bago ang mga patakaran para sa mga negosyante at mamumuhunan.
Samantala, kumpiyansa si Mendoza na malalampasan ng BOC ang isang trilyong pisong koleksyon ngayong 2026, habang naghahanda ang ahensya sa mas mataas na target na ₱1.074 trilyong piso sa susunod na taon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kapakanan ng mga empleyado at pagpapanatili ng integridad ng ahensya.
Pormal na naupo bilang BOC Commissioner si Mendoza noong November 19, matapos manumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong November 13.
📸 BOC
