Nauwi sa pag-aresto ang dapat sana’y selebrasyon ng bagong kasal na Pilipina at Japanese sa isang restaurant sa Malate, Maynila.
Ito ay matapos na arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mismong reception ng kanilang kasal ang groom at dalawa pang Japanese, pati ang isang Pilipinang recruiter, dahil sa umano’y fixed marriage scheme.
Ayon kay CIDG-NCR Chief Police Colonel John Guiagui, nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang Pilipina na unang nabiktima ng grupo.
Modus umano ng grupo na maghanap ng mga Pilipinang edad 18 hanggang 21, at pangakuan sila ng magandang buhay at trabaho sa Japan kapalit ng pagpapakasal sa isang Japanese.
Sa pamamagitan ng kasal, mas madali silang nakakapunta sa Japan nang hindi na kailangan ng working visa. Pero pagdating doon, sa mga bar at nightclub umano sila pinagtatrabaho.
Lumabas sa imbestigasyon na manager ng club sa Japan ang isa sa mga Japanese suspect, habang may-ari naman nito ang isa pa.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10906 o ang Anti-Mail Order Spouse Act of 2016. Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon, lalo’t marami na umanong naunang nabiktima ang grupo.