JV Ejercito
Isinusulong ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito ang “back to basics” approach sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, na nakatuon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Sa kaniyang sponsorship speech sa 2027 budget bill, sinabi ni Ejercito na dapat bigyang-prayoridad ang kalusugan, pagkain, edukasyon, trabaho at seguridad bago ang iba pang gastusin ng pamahalaan.
Kabilang sa mga binigyang-diin ng senador ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura, lalo na sa harap ng banta ng Very Strong El Niño.
Sa ilalim ng panukalang budget, naglaan ang Senado ng P251 billion para sa Department of Agriculture (DA) para masuportahan ang mga magsasaka sa buong proseso ng produksyon, mula pagtatanim at pag-aabono hanggang pag-aani at pagbebenta ng kanilang produkto.
Kabilang dito ang karagdagang mahigit P4 billion para sa Rice Program, P250 million para sa AGRI-RECOVER Program at dagdag na P1 billion para sa Quick Response Fund ng ahensya para matulungan agad ang mga magsasakang maaapektuhan ng tagtuyot.
Mahigit P1 billion din ang inilaan para sa pagtatayo ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center, habang P50 million at P200 million naman ang nakalaan para sa cold storage facilities sa Barlig, Mountain Province at Oriental Mindoro.
Layunin ng mga pasilidad na mapanatiling sariwa ang mga gulay at iba pang produkto, maiwasan ang pagkasira ng mga ito at mabawasan ang post-harvest losses ng mga magsasaka.