Inilathala ng Armenia nitong Lunes ang isang draft proposal para sa bagong konstitusyon ng bansa.
Sa panukalang konstitusyon, binabago nito ang preyambulo ng Armenia kung saan tinatanggal ang isang reference o sipi ng isang Soviet-era document na nanawagan ng reunification ng Nagorno-Karabakh region sa Armenia.
Ang nasabing rehiyon, na kinikilala ng mundo na bahagi ng Azerbaijan ngunit matagal na nasa halos ganap na kontrol ng Ethnic Armenians, ay nagmitsa ng deka-dekadang digmaan sa pagitan ng Baku at Yerevan.
Ang huling sagupaan ng dalawang bansa ay noong 2023 kung saan tuluyan nang nakontrol ng Azerbaijan ang rehiyon.
Nito lamang Agosto nang lumagda ang dalawang bansa ng inisyal na kasunduang pangkapayapaan sa tulong ng Estados Unidos.
Layon naman ng bagong konstitusyon na tuluyan nang maisapormal ang naturang kasunduan.
Sa ngayon, wala pang katiyakan kung makatatawag ng constitutional referendum ang pamahalaan ni Armenian Prime Minister Nikol Pashinyan lalo’t bitin pa ito sa suporta mula sa ilang mambabatas.