Ikinumpara ni House Prosecution Panel legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang legal strategy ni Vice President Sara Duterte kay dating Vice President Leni Robredo na naharap din sa isang criminal complaint.
Kasunod ito ng inilabas na warrant of arrest laban sa bise presidente matapos makitang may probable cause ang tatlong bilang ng grave threats case, na may piyansang ₱120,000 sa bawat bilang.
Ayon kay Tolosa, direktang hinarap ni Robredo ang kasong sedition laban sa kanya at hindi nag-invoke ng immunity bilang bise presidente.
Kalaunan, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban kay Robredo dahil sa kawalan ng probable cause.
“But maaalala din naman natin, nung kinasuhan dati ang Bise Presidenteng Leni Robredo, ang ginawa ho niya doon. Hindi siya nag-invoke ng immunity, sinagot niya ng diretsyohan dahil sa paniniwala nila, if I remember correctly, ang sinasabi nung panahon na iyon, walang merito talaga ng kaso na iyan,” ani Tolosa.
Gayonman, iginagalang ni Tolosa ang karapatan ng bise presidente na kuwestiyunin ang grave threats case laban sa kanya at nasa kanyang legal team ang pagpapasya kung anong estratehiya ang gagamitin.
“But again, at the end of the day, of course, ayaw natin pangunahan ‘yung strategy ng legal team niya, kanya-kanya naman yan, whatever they think legal strategy they should pursue, nasa kanila ho yan,” dagdag niya.
Nilinaw din niya na hiwalay naman ang criminal case sa impeachment trial ni Duterte, kung saan nakapaloob din sa Article IV ng Articles of Impeachment ang umano’y pagbabanta sa buhay ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady at dating Speaker kung saan natapos na ng prosecution ang presentasyon ng ebidensya.