Kumpiyansa si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na hindi na ulit babaha sa North Luzon Expressway (NLEX) partikular sa bahagi ng San Simon, Pampanga.
Sa ginawa kasing pagbisita ng kalihim sa lugar ay naglatag ito ng tatlong pamamaraan para hindi na maulit ang problema.
Ayon kay Dizon, una dito ay ang pagprotekta sa Tulaoc River para hindi umabot sa NLEX ang tubig.
Pangalawa ay ang nagpapatuloy na dredging para hindi ma-trap ang tubig sa Tulaoc River at ang huli ay ang paggawa ng saluhan ng tubig.
Sa ngayon ay sanib-pwersa na ang San Miguel Corporation, ang NLEX, at ang pamahalaan para sa dredging ng naturang ilog.
Kailangan umanong makapag-dredge mula Tulaoc River hanggang sa Manila Bay.
Bagamat walang maibigay na timeline si Dizon sa nasabing dredging activity ay mahigit 12 floating back hoe naman aniya ang magsasagawa nito ng sabay-sabay.
Layon nito na hindi na maulit ang nangyaring pagbaha sa nasabing lugar at ang pagka-stranded ng publiko.