Pinagsabihan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China na magpakadisente at mahiya naman, sa gitna ng Seoul Defense Dialogue 2026 sa South Korea.
“Magpakadisente naman kayo nang konti, mahiya naman kayo nang konti.”
Ginawa ni Teodoro ang pahayag matapos siyang abutan ng isang papel na naglalaman ng posisyon ng China sa South China Sea, habang siya ay sumasagot sa isang tanong sa nasabing forum.
Binasa mismo ng kalihim sa harap ng audience ang nilalaman ng papel, kung saan sinasabing labag umano sa pandaigdigang batas ang arbitral ruling.
Ayon kay Teodoro, mismong ang UNCLOS na pinirmahan ng China ang sinasabi nitong lumalabag sa international law. Hindi umano nito tinatanggap ang desisyon dahil natalo ito sa kaso.
Sinabi ng kalihim na hindi lamang pandaigdigang batas ang binabalewala ng ganitong kilos kundi maging ang paggalang sa Republic of Korea bilang host ng forum. Binigyang diin ni Teodoro na hindi na masasabing gray zone ang kasalukuyang sitwasyon, kundi tahasan na itong coercion, bullying, at agresyon.