Mas mabibigyan na ng maayos na suporta ng pamahalaan ang mga disadvantaged tertiary education learners sa pamamagitan ng inamyendahang Universal Access to Quality Tertiary Education Law.
Sa panayam ng programang BOSES kay Commission on Higher Education o CHED Chairperson, Dr. Shirley Agrupis sinabi niyang may mas malinaw na guidelines na kasi ngayon sa ilalim ng RA 12325 o ang inamyendahang Free College Education law kung saan bukod sa mga 4Ps students ay kasama na sa prayoridad ang iba pang disadvantaged students.
Kabilang dito ang Person with disability o PWD, Indigenous People, mga estudyanteng naninirahan o mula sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged areas o GIDAs, anak ng solo parents at iba pa.
Sa tulong nito ay mabibigyan na rin sila ng Tertiary Education Subsidy bukod ito sa libre nang pag-aaral sa mga state college and universities.
Posibleng ipatupad ang nasabing amended law sa susunod na school year o depende sa fiscal space ng pamahalaan.
Oras na maging epektibo na ang inamyendahang Free College Education law ay inaasahang tataas din ang bilang ng mga estudyanteng mabibiyaan ng libreng college education at tertiary education subsidy.