Pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na guilty sa graft laban kay dating Lazi, Siquijor Mayor Orville Fua at tatlong dating opisyal kaugnay ng mahigit 4.9 milyong pisong procurement ng fertilizer noong 2004.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, kinatigan ng Second Division ng SC ang naunang hatol ng Sandiganbayan laban kina Fua, Rose Marie Tomogsoc, Natalio Bongcawel Jumawan Jr., Sue Agnes Castillon at pribadong indibidwal na si Merlyn Estallo Lu.
Ayon sa SC, nagkaroon ng malinaw na paboritismo sa Mangopina Trading Incorporated at ilang procurement requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act ang hindi nasunod.
Kabilang dito ang kakulangan sa bidding documents, hindi maayos na advertisement at post-qualification, at paggamit ng mga brand na eksklusibong hawak ng Mangopina.
Hinatulan ang mga akusado ng hanggang 10 taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.