Pinalalakas pa ng Pilipinas ang kakayahan nito upang maging isang competitive maritime hub at pangunahing kabalikat sa produksyon ng critical minerals.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malaki ang maitutulong ng strategic location ng bansa at ng mga manggagawa nito upang mapaunlad ang shipbuilding, ship repair, marine engineering, at iba pang industriyang pandagat.
“Our location and skilled workforce likewise provide a strong foundation for shipbuilding, ship repair, marine engineering, and other maritime industries. We are developing the capabilities needed to establish the Philippines as a more competitive maritime hub,” —Pangulong Marcos Jr.
Kung matatandaan, ilang foreign company sa shipbuilding industry ang kasalukuyang nago-operate sa Cebu, Subic, at Batangas, dahilan upang maging malaking pinagkukunan ng trabaho at export revenues ang naturang sektor para sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ng pangulo na strategic growth din ng Pilipinas ang sektor ng critical minerals upang hindi lamang manatiling nakatuon sa extraction at pag-export ng hilaw na resources.
Layunin ng bansa na magkaroon ng value-adding sa pamamagitan ng domestic processing, manufacturing, research, at innovation, habang tinitiyak ang mahigpit na environmental safeguards at malinaw na pakinabang para sa mga apektadong komunidad.
Kung matatandaan, ang Luzon Economic Corridor ay nag-uugnay sa Subic Bay, Clark, Manila, at Batangas.
Ito ang pinakamalaking economic engine ng Pilipinas, na kumakatawan sa tinatayang 50% ng gross domestic product (GDP) ng bansa at nagsisilbing sentro ng manufacturing, logistics, at kalakalan. | ulat ni Racquel Bayan