Suportado ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang panukalang ilipat sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Immigration.
Ayon kay Remulla, mapapabilis nito ang pagpapatupad ng batas sa karagatan at ang pag-aksyon laban sa mga dayuhang pugante dahil magiging mas maayos ang koordinasyon ng mga ahensya.
Ginawa ni Remulla ang pahayag sa pagdinig ng senate finance sa panukalang P332.5-bilyong budget ng DILG para sa 2027, matapos itanong ni senador erwin tulfo kung maaaring bigyan ng mas mabilis na sasakyang-pandagat ang PNP maritime group, partikular sa palawan, para tugisin ang mga ilegal na mangingisda.
Iminungkahi rin ni Remulla na buwagin ang PNP Maritime Command at ipaubaya sa PCG ang pagpapatupad ng batas sa karagatan kung maililipat ito sa DILG.
Samantala, nais din niyang ilipat ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bureau of Corrections o BuCor para magkaroon na lang ng isang correctional system.
Sinabi ni Remulla na suportado na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga panukalang pagbabago at inihanda na ng DILG ang proposal para sa presidential action.
Ayon naman kay Senador Ping Lacson, maaaring maisagawa ang ilan sa mga paglilipat sa pamamagitan ng executive order at hindi na kailangan ng bagong batas. | ulat ni Nimfa Asuncion