Giniit ni Senate Committee on Labor Chairman Senador Joel Villanueva na nagbibigay kalituhan at pangamba sa mga manggagawa ang bagong wage order no. 28, na nagbibigay ng 60 pesos wage increase sa National Capital Region (NCR).
Ito ay dahil nakabinbin pa rin sa Korte ang unang kinuwestiyong wage order no. 27, na magbibigay sana ng 85 pesos wage increase sa mga taga Metro Manila.
Dahil dito, nanawagan si Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad nang ipatupad ang wage order no. 27 o ang 85-peso wage increase.
Giit ng senador, dumaan sa tamang proseso at konsultasyon sa mga stakeholder ang naturang kautusan kaya ito ang dapat ipatupad.
sinabi rin ni villanueva na malinaw sa article 126 ng labor code na walang temporary restraining order o injunction na maaaring ilabas laban sa isang wage order.
dagdag niya, isang wage order lamang ang maaaring ipatupad kada taon, maliban na lamang kung may supervening event o pambihirang pangyayari na magbibigay-katwiran para maglabas ng panibagong wage order.
Ayon kay villanueva, hindi dapat magkaroon ng shortcut sa proseso at dapat ipasa na rin ang panukalang living wage act para magkaroon ng malinaw na batayan sa pagtukoy ng sahod batay sa aktuwal na gastusin at cost of living ng mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion