Tiwala si House Prosecution Panel Spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa kakayahan at karunungan ng apat na amici curiae na inimbitahan ng Senate impeachment court para magbigay ng opinyon sa voting threshold sa impeachment trial.
Kabilang dito sina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., at retired Associate Justice Adolfo Azcuna.
Malaki aniya ang tiwala niya sa mga ito dahil hindi lamang sila mga dating mahistrado ng Korte Suprema may naging bahagi rin ng 1986 Constitutional Commission na bumuo ng 1987 Constitution.
Ayon kay Adiong, mahalaga ang kanilang pananaw upang makatulong sa mga senator-judge sa pagharap sa usapin ng two-thirds voting requirement.
Samantala, muli namang iginiit ni House prosecution adviser Robert Ace Barbers na 16 na boto ang kanilang kinikilalang threshold alinsunod sa naunang ruling ng presiding officer ng impeachment court.
Aniya, hanggang hindi binabago ang naturang ruling, ito ang kanilang iginagalang at sinusunod bilang prosecution panel.
Paalala naman ni Barbers na ang usapin sa tamang threshold ay para sa mga senator-judge, habang mananatiling nakatuon ang House prosecution sa paglalahad ng ebidensya at testimonya sa impeachment trial. | ulat ni Kathleen Forbes