Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, patuloy na ina-upgrade ang mga pasilidad, emergency protocols at business continuity measures ng ahensya, kasabay ng regular na disaster drills at simulations.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatibay at pagtataas ng ilang pier at wharf, pagpapagawa at pag-upgrade ng breakwaters, at pagtiyak na sumusunod ang mga proyekto sa National Structural Code of the Philippines para sa proteksiyon laban sa lindol, malalakas na hangin at storm surge.
Nakikipag-ugnayan din ang PPA sa Philippine Coast Guard, mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office, local government units at Department of Social Welfare and Development para sa mabilis na pagtugon at pagtulong sa mga pasahero kapag may kalamidad.
Tiniyak ni Santiago na layunin ng PPA na manatiling ligtas at maaasahang lifeline ang mga pantalan para sa paggalaw ng mga tao at mahahalagang suplay sa panahon ng emergency. | ulat ni Lorenz Tanjoco