Pinapurihan ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mga hakbang ng Department of Education o DepEd na palakasin ang Senior High School curriculum upang maging mas handa sa trabaho ang mga mag-aaral.
Kabilang dito ang pagpapahaba ng work immersion o on-the-job training ng SHS learners sa hanggang 640 oras mula sa dating 80 hanggang 160 oras.
Ayon kay Yamsuan, mahalagang maihanda ang mga estudyante sa trabaho at sa mga realidad ng buhay, lalo na ang mga hindi agad makapag-aaral sa kolehiyo dahil sa hamong pang pinansyal.
Aniya, may mga kabataang hanggang senior high school o maging junior high school lamang ang kayang tapusin, kaya dapat mayroon silang sapat na kasanayan para makahanap ng trabaho.
Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na isinama rin ng DepEd ang Life and Career Skills bilang core subject sa bagong SHS curriculum.
Layunin nitong malinang ang growth mindset ng mga mag-aaral at ihanda sila sa mga pangangailangan ng mga workplace sa hinaharap.
Ayon kay Yamsuan, ang mas matatag na SHS curriculum ay maaaring makatulong para mapababa ang unemployment rate sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maraming kabataang handang pumasok sa trabaho. | ulat ni Kathleen Forbes