Photo courtesy of DOT
Nakamit ng tatlong sikat na destinasyon sa Pilipinas ang pwesto sa prestihiyosong listahan ng luxury travel magazine na Condé Nast Traveller (CNT), kung saan ang bansa ang kaisa-isang nakakuha ng tatlong pwesto sa top 15 beaches sa buong mundo para sa 2026 CNT Readers’ Choice Awards.
Batay sa resulta ng botohan, pang-apat (4th) ang Coron sa Palawan na nakakuha ng score na 93.32.
Pang-walo (8th) ang Boracay na may score na 91.49 habang pang-sampu (10th) naman ang El Nido na nakapagtala ng score na 91.27.
Bukod sa mga nasabing beaches, pinarangalan din ang Palawan bilang Best Island sa Asya, habang ang Boracay ay lumapag naman sa ika-pitong pwesto sa parehong kategorya.
Nakuha naman ng Veligandu Island Beach sa Maldives ang pinaka-unang puwesto na may score na 97.55. Pumangalawa ang Mounday’s Bay, Anguilla sa 94.71 at pangatlo naman ang Ao Nang Beach ng Thailand na may score na 94.