Inaasahang kabilang sa mga adyendang isusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nalalapit na 49th ASEAN Summit ang pagpapalawak ng digital trade sa rehiyon sa pamamagitan ng Digital Economy Framework Agreement (DEFA).
Layunin nitong palakasin ang kalakalan sa pamamagitan ng mga digital na transaksyon, tulad ng e-commerce at digital payments, gayundin ang ligtas na pag-iimbak ng mahahalagang datos at impormasyon sa hanay ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, magkakaroon ng mas malawak na merkado ang mga online seller, maliliit na negosyo at technology companies sa Pilipinas sa pagsusulong ng DEFA.
Dagdag ni Castro, pagkakataon din ang paglahok ng Pangulo sa mga pandaigdigang pagtitipon upang maipakilala ang potensiyal ng ekonomiya ng Pilipinas at makabuo ng mga ugnayang maaaring magbukas ng mga bagong pamumuhunan sa bansa.
Sa harap nito, sinabi ng opisyal ng Presidential Communications Office (PCO) na mahalagang maisakatuparan ang mga kasunduan upang matiyak na makikinabang dito ang mga Pilipino.