Umaasa ang Malacañang na mananatiling malusog si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang personal na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya at maibahagi ang kanyang nalalaman kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng kanyang administrasyon.
Inihayag ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na nais ng publiko na bumuti ang kalusugan ng dating pangulo upang mapanagot ito sa mga paratang sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Idinagdag pa ni Castro na posibleng umamin si Duterte sa mga magiging pagdinig hinggil sa umano’y mga planong pagpatay na isinagawa sa ilalim ng kampanya kontra sa ilegal na droga.
Ang pahayag na ito ng Palasyo ay kasunod ng opisyal na desisyon ng ICC Trial Chamber III na nagdedeklarang “fit to stand trial” o handang sumailalim sa paglilitis si Duterte.
Ito ay matapos ibasura ng hukuman ang mosyon at argumento ng kampo ng depensa na nagsasabing apektado na ang memorya at kakayahang pangkaisipan ng dating Pangulo upang makilahok sa paglilitis. Nakatakdang umpisahan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Nobyembre 30 para sa mga kasong crimes against humanity.