Pinaiigting ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) 6 ang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño sa Western Visayas.
Sa isinagawang 3rd quarter Full Council Meeting ng RDRRMC-6 sa Roxas City, Capiz, tinalakay ng Regional Task Force El Niño ang mga hakbang ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang seguridad sa tubig, pagkain, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) 6 Officer-in-Charge Atty. Melissa P. Banias, muling in-activate ang Regional El Niño Team na binubuo ng limang sektor upang palakasin ang koordinasyon, pagsubaybay at pagpapatupad ng mga plano sa paghahanda.
Iniulat naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahan ang mas matinding tuyong kondisyon at posibleng tagtuyot sa rehiyon mula Disyembre 2026 hanggang Mayo 2027.
Bilang paghahanda sa mga posibleng epekto nito sa kalusugan, ipinatutupad ng Department of Health (DOH) Western Visayas Center for Health Development ang paghahanda ng mga medical
supplies, pagsusuri sa kaligtasan ng mga ospital.
Ayon kay Florence Audrey Mamon-Pestaño, Medical Officer IV ng DOH Western Visayas, pinayuhan na rin ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay sa mga sakit na maaaring maapektuhan ng pagbabago ng klima.
Batay sa datos na iniulat ng DOH, bumaba ng 39 porsiyento ang mga kaso ng dengue, subalit tumaas naman nang 29 porsiyento ang mga kaso ng leptospirosis kasunod ng pagbaha sa ilang lugar sa rehiyon.
Samantala, naglaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P53.9 milyon para sa pagtatayo ng mga imbakan ng tubig sa apat na lalawigan sa Western Visayas, habang isinusulong ng National Irrigation Administration ang mga proyektong patubig na pinapagana ng solar energy.
Tinutugunan din ng Department of Agriculture (DA) ang panganib sa humigit-kumulang 3,500 ektarya ng palayan na maaaring maapektuhan ng kakulangan sa ulan.
Kabilang sa mga hakbang ang cloud seeding, pagpapalit ng mga pananim at pamamahagi ng mga suportang pang-agrikultura upang mapanatili ang produksiyon ng pagkain.
Para naman matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at kaligtasan ng publiko, isinusulong ng Department of Energy ang pagtitipid sa enerhiya at paglalagay ng solar roofing sa mga pasilidad ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng organisadong pagkilos ng mga ahensiya ng pamahalaan, layunin ng RDRRMC-6 na mabawasan ang epekto ng El Niño at mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad sa Western Visayas laban sa posibleng matinding tagtuyot at iba pang panganib na dulot ng pagbabago ng klima.