📸 Lapu-Lapu City Information Office
Nakatanggap ng bigas mula sa Office of the President (OP) ang halos 11,000 mga pamilya sa Olango Island at mga karatig na barangays nito sa Lungsod ng Lapu-Lapu sa Cebu.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Tanggapan ng Pangulo, katuwang ang Pamahalaang Panlungsod ng Lapu-Lapu sa pamumuno ni Mayor Cindi King-Chan, upang magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang apektado ng kasalukuyang mga hamon sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng programa, ang bawat rehistradong pamilyang benepisyaryo na natukoy batay sa mga opisyal na listahang isinumite ng mga barangay ay nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas.
Naging posible ang tulong na ito sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) mula sa Tanggapan ng Pangulo na nagbibigay ng direktang suporta sa mga kwalipikadong pamilya.
Ito ay bilang pagtugon ng pambansang pamahalaan sa kasalukuyang krisis sa enerhiya at sa epekto nito sa mga pamilyang Pilipino, partikular na sa pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Isinagawa ang pamamahagi mula Oktubre 8 hanggang Oktubre 9, sa iba’t ibang gym ng mga barangay sa buong Olango Island, kabilang ang mga maliliit na isla ng Caubian, Pangan-an, at Caohagan sa pakikipag-ugnayan sa Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD).
Pinangunahan ang aktibidad ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang mga opisyal mula sa mga barangay ng Olango Island at sa tatlong barangay na nasa maliliit na isla.