Inatasan ni Transport Secretary Banoy Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na pag-aralan ang pag-iisyu ng special permits sa mga public utility bus sa ruta ng LRT Line 2.
Layon nitong mabigyan ng alternatibong masasakyan ang mga pasaherong apektado ng limitadong biyahe ng LRT-2, at maibsan ang mahabang pila at siksikan sa mga istasyon, lalo na tuwing peak hours.
Sakop ng pag-aaral ang biyahe ng mga bus mula Antipolo Station hanggang Recto Station at pabalik, na may designated stopping points sa mga istasyon ng LRT-2.
Matatandaang inihayag ng LRTA na walang aberya sa mga tren, ngunit hindi na sapat ang kasalukuyang 10 tren dahil sa pagdami ng mga pasahero.
Tiniyak naman ng Department of Transportation na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para makakuha ng pondo para sa karagdagang trainsets, na inaasahang mabibili sa loob ng tatlong taon. | ulat ni Diane Lear