Nasawi ang tatlo sa apat na biktima ng nangyaring landslide sa Sitio Riverside, Barangay Pulangbato lungsod ng Cebu, tanghali ng October 9.
Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, 5:43 ng hapon nang ma-recover ng mga responders ang wala ng buhay na katawan ng 60-taong gulang na si Judith Bonghanoy.
Ang katawan ni Bonghanoy ang huling nakuha ng mga responders mula sa gumuhong lupa at bato.
Maliban kay Bonghanoy, nasawi rin sa insidente ang dalawang apo nito na sina Xian Kyrie Caballero, at Kayden Avery Andamon, na pawang 5 taong gulang.
Samantala, patuloy naman na ginagamot sa ospital si Julie Pearl Andamon na ina ng isa sa mga nasawi na si Kayden.
Sa inisyal na impormasyon ng mga awtoridad, bandang alas-12 kaninang tanghali nangyari ang pagguho ng lupa matapos makaranas ng malakas na ulan ang Cebu City. Sinubukan pa ng mga biktima na makalabas ng kanilang bahay ngunit na trap na umano ang mga ito ng gumuhong lupa at bato.
Samantala, sa inisyal na tala ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, dalawang bahay ang naitalang totally damaged dahil sa landslide.
Umabot sa 35 pamilya na kinabibilangan ng 137 na mga indibidwal ang isinailalim sa forced evacuation dahil sa panganib na dala ng paggalaw ng lupa sa lugar.
Sinagot naman ng Department of Social Welfare and Services ng Cebu City ang pagkain at mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong residente. | ulat ni Angelie Valiente | RP Cebu
📸 BFP Cebu City Fire Station

