Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Itinaboy ng Philippine Coast Guard o PCG, kasama ang Philippine Marine Corps at Philippine Navy, ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at 22 sampan nito mula sa territorial sea ng Kota Island sa Kalayaan Island Group ngayong Biyernes, October 9, 2026.
Ayon sa PCG, namataan ng mga tauhan ng Coast Guard Station Kota bandang alas-tres ng hapon ang mga sampan na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda sa layong 0.55 nautical miles sa hilagang-kanluran ng isla.
Ang pinakamalapit na sampan ay nasa 250 metro lamang mula sa dalampasigan. Namataan din ang mga sasakyang pandagat na nagtatapon ng basura sa dagat.
Bandang 3:30 ng hapon, dalawang rubber boat na may sakay na pinagsanib na puwersa ng PCG at tatlong Philippine marines ang ipinadala upang paalisin ang mga sasakyang pandagat. Nagbigay naman ng radio at communication support ang Philippine Navy, habang patuloy na mino-monitor ng mga marines ang sitwasyon.
Sa gitna ng operasyon, pinalibutan ng Chinese mothership ang dalawang rubber boat ng PCG. Gumamit din ng mga senyas ang kapitan nito upang igiit na kanila ang lugar at paalisin ang mga tauhan ng Pilipinas.
Gayunman, isa-isang pinaalis ng PCG ang mga sampan sa loob ng halos dalawang oras. Isang sampan ang tumangging umalis, na nagresulta sa bahagyang pagdikit ng mga sasakyang pandagat. Walang nasaktan o nasirang kagamitan, at kalaunan ay umalis din ang naturang sampan.
Pagsapit ng alas-5:30 ng hapon, naitaboy na ang lahat ng sasakyang pandagat sa layong humigit-kumulang 3.5 nautical miles mula sa Kota Island, bago tumulak pahilagang-kanluran at tuluyang natapos ang operasyon.
Ayon sa PCG, hindi ito ang unang pagkakataong pinaalis ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 sa lugar. Noong Setyembre 28, nagpakalat din ito ng 24 na sampan na umikot sa layong 300 yarda mula sa isla bago umatras nang dumating ang mga tauhan ng Coast Guard Station Kota.
Binigyang-diin ng PCG na bahagi ng bayan ng Kalayaan, Palawan, ang Kota Island. Anila, malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas ang presensiya ng Chinese maritime militia vessel at mga sampan nito na nagsasagawa ng pangingisda sa loob ng territorial sea ng isla.