Ipinanawagan ni Senador Bam Aquino na muling i-convene o ipatawag ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee para matiyak na nagkakaisa at whole-of-government ang paghahanda ng pamahalaan sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Sumulat si Senador Bam kay Senate President Sherwin Gatchalian para hilingin ang pagpapatawag muli ng PROTECT Committee.
Ang PROTECT Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay binuo noong March 2026 para bumuo ng isang komprehensibong national framework para sa pagtugon ng epekto ng gulo sa Middle East partikular sa suplay ng langis at ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin ni Aquino ang kagyat na pangangailangang tiyakin na iisa ang pagkilos ng gobyerno para maprotektahan ang mga Pilipino mula sa potensyal na epekto ng Super El Niño, partikular sa kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, pagkain, seguridad, maliliit na negosyo, at essential services.
Makatutulong aniya ang PROTECT Committee para masigurong handa ang gobyerno na magbigay ng agarang tulong at ayuda sa mga apektadong sektor.
Ngayong may mga ulat na rin aniyang tataas ang presyo ng kuryente, kailangang tukuyin kung ano ang gagawin para masiguro ang supply at tuluyang maibaba ang singil sa ating mga kababayan.
Dinagdag rin ni Aquino na dapat maglatag ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ng mga hakbang para maprotektahan ang mga estudyante at guro mula sa matinding init at matiyak ang pagpapatuloy ng pag-aaral sakaling magkaroon ng mga pagkaantala o kanselasyon.