Photo courtesy of PRO-6
Nakaalerto ang Police Regional Office 6 sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa 282 sementeryo sa buong Western Visayas ngayong Nobyembre 1 bilang pagunita sa Undas.
Bahagi ito ng pinaigting na paghahanda ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa paggunita sa Undas kung saan inaasahang dadagsa ang mga pamilya sa mga sementeryo at memorial park upang alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Alinsunod sa direktiba ni PRO-6 Regional Director Brigadier General Randulf Tuaño, kailangang tiyakin ng mga hepe ng pulisya na nakabantay at maayos na nakatalaga ang kanilang mga tauhan sa mga sementeryo at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng presensya ng kapulisan upang mapanatili ang kaayusan, maiwasan ang mga insidente ng krimen at matiyak ang agarang pagresponde sa anumang emergency o insidenteng maaaring mangyari.
Bukod sa mga sementeryo, bahagi rin ng pagbabantay ng kapulisan ang mga pangunahing lansangan, terminal at iba pang matataong lugar upang makatulong sa maayos na daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero at mamamayan.
Inaasahan ding tututok ang mga nakatalagang pulis sa pagpapanatili ng kaayusan sa loob at paligid ng mga sementeryo, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng pagsisikip dahil sa dami ng mga bisita.
Samantala, pinapayuhan ang publiko na maging mapagmatyag at bantayan ang kanilang mga personal na gamit, partikular ang mga cellphone, pitaka at iba pang mahahalagang bagay habang nasa mataong lugar.
Sa oras na makapansin ng kahina-hinalang aktibidad o mangailangan ng tulong, pinapayuhan ang publiko na agad lumapit sa pinakamalapit na nakatalagang pulis o awtoridad. Patuloy namang hinihikayat ng PRO-6 ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan at sumunod sa mga ipinatutupad na panuntunan upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang paggunita sa Undas sa buong Western Visayas.