Ipinapatupad ang ilang mga pansamantalang pagsasara ng kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko sa ilang bayan sa Rizal bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.
Sa Antipolo, isasara ang ilang kalsada patungong Sto. Niño Street hanggang Nobyembre 2, habang magkakaroon ng re-routing at stop-and-go traffic scheme sa mga pangunahing lugar at sementeryo.
Wala namang road closure sa Binangonan, ngunit may mga itinalagang ruta para sa mga sasakyan sa Libid, Lunsad, Layunan at Batingan.
Sa Cainta, bawal ang lahat ng uri ng sasakyan sa ilang bahagi ng Ortigas Avenue Extension at mga kalsadang patungo sa mga sementeryo.
Samantala, magkakaroon ng one-way traffic scheme sa ilang kalsada sa San Mateo, habang isasara naman ang bahagi ng Rizal Avenue sa Taytay ngayong araw, Nobyembre 1.
May mga alternatibong ruta ring inilatag sa Montalban para sa mga bibisita sa mga memorial park.
Pinapayuhan ang mga motorista na alamin ang mga ipinatutupad na traffic scheme, planuhin ang kanilang biyahe at sundin ang mga abiso ng mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at matiyak ang ligtas na paggunita sa Undas.