May karapatan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pumili ng medical clinic para sa kanilang kinakailangang medical examination bago magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ang iginiit ng Department of Migrant Workers (DMW), kasunod ng paglalabas ng bagong circular ng Department of Health (DOH) na nagbabawal sa referral at decking system.
Sa ilalim ng DOH Circular No. 2026-0566, tanging mga DOH-accredited na klinika at pasilidad ang maaaring magsagawa ng medical examination ng mga aplikante.
Ipinagbabawal din ang sapilitang pagtatalaga ng clinic sa mga OFW, gayundin ang mga kasunduang naglilimita sa kanilang pagpili ng medical provider.
Ang mga klinikang lalabag ay maaaring maharap sa suspensyon o pagbawi ng kanilang lisensya. Ayon sa DMW, layunin ng polisiya na protektahan ang mga OFW laban sa hindi makatarungang paghihigpit at labis na singil sa kanilang medical examination.