Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Nagpapasalamat si Education Secretary Sonny Angara sa Commission on Higher Education (CHED) partikular na sa programa nitong LINGAP o Learning Initiatives for Nurturing Guidance Associates and Counselors dahil matutugunan nito ang malaking pangangailangan sa sapat na dami ng mental health professionals sa mga paaralan sa buong bansa.
Sa kaniyang pagbisita sa Dumaguete City, Negros Oriental para sa Joint Education Trifocal Management Committee Conference ng DepEd, CHED, at TESDA, ipinunto ni Angara na ang LINGAP ang isa sa magiging pagtugon ng pamahalaan sa lumalalim na sitwasyon sa school safety matapos ang mga insidente ng school violence sa nakaraang mga buwan.
Sa ilalim ng nasabing programa, hindi bababa sa 200 scholars na ang pasok sa LINGAP sa buong bansa habang nasa 800 ang kabuuang scholarship grants ang ibibigay ng CHED sa mga guidance counselors at guidance associates.
Nasa siyam ang personal na ginawaran ng LINGAP scholarship grant na mula sa Negros Island Region na pawang mga empleyado ng DepEd mula sa Negros Oriental.
Kasama ni Secretary Angara sa paggawad ng scholarship grants sa Dumaguete City sina CHED Chairperson Shirley Agrupis at TESDA Director General Kiko Benitez.
Ipinaliwanag ni Angara na nasimulan na ng pamahalaan ang pagtugon sa kakulangan ng school guidance officers matapos ang naging pag-aaral ng EDCOM II bago pa man mangyari ang sunod-sunod na mga insidente ng school violence sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nanawagan ang kalihim hindi lamang sa mga nasa paaralan kundi sa buong school community na kabilang ang bawat pamilya ng mga mag-aaral na tulungan ang pamahalaan at awtoridad sa pagsigurong nagagabayan ang mga bata at maiwas sa mga masasamang impluwensiya kabilang na ang online activities ng mga ito.