Parehong grupo ang tinitingnan ng Philippine National Police (PNP) na nasa likod ng magkasunod na pananambang sa Basilan.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol Allen Rae Co na iisang unit ng Philippine Army ang inatake sa dalawang insidente.
Ayon kay Co, paghihiganti ang nakikitang motibo sa insidente dahil ito rin ang unit na nagsilbi ng warrant of arrest kung saan nasawi ang asawa ng isang suspek.
Nabatid na pitong sundalo at dalawang sibilyan ang sugatan sa pananambang sa Lamitan City kahapon, kabilang ang isang 10-taong-gulang na bata.
Bukod dito, 10 ang sugatan, kabilang ang isang CAFGU, sa pananambang sa Tipo-Tipo noong October 5.
Mariing kinondena ng PNP ang pananambang at ngayon ay patuloy ang pagtugis sa mga suspek katuwang ang Philippine Army. | ulat ni Diane Lear