Pinatitiyak ng Malacañang sa mga kinauukulan na hindi magdudulot ng anumang kalituhan ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP), sa gitna ng pangambang magkaroon ng duplicate citations sa mga motorista.
Binigyang-diin ng Malacañang na dapat masusing suriin ang implementasyon ng NCAP upang matiyak na hindi magkakaroon ng kalituhan sa mga motorista.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kung may mga isyung dapat ayusin sa NCAP, kailangan itong masusing pag-aralan upang maiwasang magdusa ang mga mamamayan.
Isa na rito ang pangambang magkaroon ng duplicate citations dahil bukod sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mayroon na ring NCAP na ipinatutupad ang mga lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na nag-usap na sila ng MMDA at may koordinasyon ang ahensya sa mga local government unit (LGU). Ang mga LGU ang maglalagay ng mga camera sa inner roads, habang saklaw naman ng MMDA ang major roads.
Utos aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat magdusa ang mga mamamayan sa mga isyung kayang at dapat resolbahin, gaya ng sinasabing kalituhan sa NCAP.
