Maagang naghanda ang Government Service Insurance System (GSIS) ng mga programang naglalayong tulungan ang mga miyembro nito na makaagapay sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Sa panayam kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, sinabi niyang inasahan na ng ahensiya ang posibleng pagtaas ng inflation kasunod ng pagsiklab ng digmaan sa Middle East.
Kabilang sa mga inihandang programa ang GSIS Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) at Ginhawa Bike and E-Mobility Loan Program (GBEL).
Sa ilalim ng GSEL, maaaring makautang ang mga miyembro sa 5% per annum na interest rate, na maaaring bayaran sa loob ng limang taon.
Samantala, nag-aalok naman ang GBEL ng pautang na aabot sa ₱300,000 na maaaring gamitin sa pagbili ng bagong bisikleta at mga electric mobility vehicle.
Bukod dito, ipinatupad din ng GSIS ang Balik Ginhawa 1 at Balik Ginhawa 2 upang matulungan ang mga kawani ng pamahalaan na may mga pagkakautang.
Layunin ng mga programang ito na matulungan ang mga miyembro ng GSIS na mapanatili ang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa kabila ng pagtaas ng mga gastusin.