Ito ang naging desisyon ng Third Division ng Korte Suprema sa kasong kinasasangkutan ng Union Bank of the Philippines o UnionBank at ng yumaong si Ignacio T. Arroyo.
Sa desisyong isinulat ni Supreme Court Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, pinagtibay ang utos ng Regional Trial Court na pagpaliwanagin ang UnionBank sa mga pondong na-withdraw matapos masawi si Arroyo nang hindi nalalaman ng kanyang mga tagapagmana.
Iginiit ng bangko na saklaw ng survivorship agreement ang mga withdrawal at ginamit ang ilang pondo sa pagbabayad ng mga obligasyon ng nasawi.
Gayunman, nilinaw ng Korte Suprema na ang probate court ang may kapangyarihang tumukoy kung bahagi ng ari-arian ng nasawi ang mga naturang pondo.
Binigyang-diin din ng Korte Suprema na kailangang idaan ng mga creditor sa probate court ang kanilang mga habol sa utang at hindi basta kumuha ng pondo mula sa ari-arian ng nasawi. | ulat ni Lorenz Tanjoco