Hinikayat ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol ang mga lokal na pamahalaan at barangay na repasuhin ang kanilang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) plans upang matiyak ang kahandaan sa mga posibleng sakuna. Ayon kay Gremil Alexis Naz, spokesperson ng OCD Bicol, mahalaga ang papel ng mga LGU bilang frontline sa pagtugon sa mga kalamidad.
Kabilang sa mga inirerekomendang hakbang ang pagrepaso sa evacuation plans, pagsasagawa ng earthquake drills, at pagtiyak na ligtas at maayos ang mga evacuation route. Isinusulong ang mga ito bilang bahagi ng paggunita sa 2026 International Day for Disaster Risk Reduction (IDDRR).
Sa pakikipagtulungan sa City Government of Legazpi, magsasagawa ang OCD Bicol ng mga aktibidad sa Barangay Dap-Dap upang ipakita ang mga inisyatiba para sa community-based disaster resilience. Lalahok dito ang mga DRRM officer, opisyal ng barangay, estudyante at residente, kasabay ng pamamahagi ng mga information poster ng OCD at pagpapalaganap ng PANATAG Pilipinas campaign sa mga barangay at paaralan.
Binigyang-diin din ni Naz ang kahalagahan ng paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño. Aniya, pagkakataon ang IDDRR upang higit pang mapalakas ang mga hakbang sa mitigation at preparedness, kabilang ang pagpapataas ng kamalayan ng publiko at pagpapatibay ng kahandaan ng bawat komunidad sa iba’t ibang panganib.