Photo courtesy of Department of Budget and Management (DBM)
Inanunsyo ng Department of Budget and Management o DBM ang dalawang magandang balita para sa mga kawani ng University of the Philippines o UP System, kabilang ang inaasahang pagbibigay ng Performance-Based Bonus bago matapos ang 2026 at pag-apruba sa conversion ng 179 part-time faculty positions sa regular na posisyon sa UP Manila.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon nitong Biyernes, Oktubre 9, kwalipikadong tumanggap ng Fiscal Year 2024 Performance-Based Bonus ang buong UP System bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga propesor, mananaliksik, healthcare professionals, administrative at technical personnel, at iba pang kawani ng pambansang unibersidad.
Inaasahang matatanggap ng mga kwalipikadong empleyado ang kanilang bonus bago matapos ang taong 2026.
Binigyang-diin ni De Leon na nararapat kilalanin ang mahusay na pagganap ng mga kawani ng pamahalaan na tumutulong sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon, pananaliksik, serbisyong pangkalusugan, at iba pang serbisyong publiko.
Samantala, inaprubahan din ng DBM ang conversion ng 179 part-time faculty positions sa regular na posisyon sa UP Manila, gayundin ang reclassification ng limang faculty items upang maiayon ang mga titulo ng posisyon sa kanilang updated full-time status.
Ayon kay De Leon, magbibigay ito ng higit na seguridad sa trabaho at mas matatag na suporta sa mga guro na nagsasanay sa mga susunod na doktor, nurse, at iba pang healthcare professionals.
Binigyang-diin din niya na mahalagang suportahan ang mga guro at kawani kasabay ng pamumuhunan sa mga makabagong laboratoryo, kagamitang medikal, at pasilidad sa pag-aaral upang higit na mapabuti ang kalidad ng edukasyon.