Mas maraming pamilya ang nakatanggap ng titulo ng lupa sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program matapos ipamahagi sa 91 pamilya mula sa Quezon City at Caloocan City.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Social Housing Finance Corporation (SHFC) President and CEO Federico Laxa ang pamamahagi ng mga Transfer Certificate of Title.
Ang pamamahagi ay bahagi rin ng pagdiriwang ng National Shelter Month ngayong taon, na may temang “Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan.”
Ayon sa DHSUD, patunay ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng seguridad sa lupa at disenteng tirahan ang mga pamilyang Pilipino.
Nasa 63 titulo ang naipamahagi sa mga benepisyaryo mula Payatas, Batasan at Litex sa Quezon City, habang 28 naman sa Barangay 178 sa Caloocan City.
Mga miyembro sila ng iba’t ibang homeowners association sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program.