Photo courtesy of Rear Admiral Jay Tarriela
Matagumpay na nailikas ng Philippine Coast Guard o PCG ang isang tauhan ng Philippine Navy na nagkasakit habang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Oktubre 8, sa kabila ng panggigipit at mapanganib na maniobra ng China Coast Guard o CCG na nagpaantala sa operasyon ng halos 10 oras.
Idineploy ng PCG ang BRP Cabra mula sa Lawak Island. Bandang 7:30 ng umaga, nang nasa siyam na nautical miles sa hilaga ng Ayungin Shoal, pinaputukan ito ng water cannon ng CCG vessel 5306, na lumapit mula 1.3 nautical miles hanggang humigit-kumulang 400 yarda.
Hindi naman tinamaan ang BRP Cabra, na lumayo muna upang matiyak ang kaligtasan ng mga tauhan nito habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa CCG at BRP Sierra Madre.
Dahil sa patuloy na panghaharang ng mga barko ng China, napilitang manatili ng BRP Cabra sa layong 13 nautical miles sa hilaga ng shoal sa loob ng ilang oras.
Bandang alas-12:52 ng tanghali, muling hinamon sa radyo ng CCG 5306 ang barko, kaya inilipat ng PCG sa mas ligtas na lugar ang pagsundo at paglilipat ng pasyente.
Isinagawa ng Armed Forces of the Philippines at PCG ang medical evacuation sa ilalim ng awtoridad ng Pilipinas.
Alas-1:46 ng hapon, inilunsad ng BRP Cabra ang rigid-hull inflatable boat o RHIB na may sakay na mga tauhan ng PCG, isang miyembro ng Maritime Security Team, at medical personnel. Agad ding nagpakawala ng RHIB ang China Coast Guard na nagsagawa ng mapanganib na maniobra laban sa bangkang Pilipino sa loob ng 9.2 nautical miles na biyahe.
Bandang alas-3:15 ng hapon, ligtas na nailipat sa RHIB ng PCG ang pasyente at ang kasama nito mula sa BRP Sierra Madre. Sa pagbabalik, nagsagawa rin ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel 21585, na nasa layong 500 yarda sa kanang bahagi ng RHIB, habang ang CCG 5306 naman ay nasa 600 yarda sa kaliwang bahagi nito.
Bago mag-alas-singko ng hapon, ligtas na nakabalik ang RHIB sa BRP Cabra. Agad na sinuri ng medical officer ng PCG ang pasyente, kinuha ang vital signs at sinimulan ang pagbibigay ng intravenous fluids. Nasa stable na kondisyon na ito at dinadala sa daungan ng Buliluyan para sa karagdagang gamutan.