Umabot sa mahigit P747,000 ang cash at relief assistance na nailaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 52 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. Masipag, Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon sa DSWD Field Office MIMAROPA, kabilang sa inihatid nito ang tig-₱10,000 cash aid sa bawat pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Bukod dito, namahagi rin ang ahensya ng food at non-food items kabilang ang family food packs, clothing kits, kitchen kits, sleeping kits, 126 malong, at tatlong laminated sack.
Ayon naman kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa lokal na pamahalaan para matukoy ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.