Photo courtesy of UP Manila
Binigyang-diin ng Department of Budget and Management o DBM ang kahalagahan ng de-kalidad na edukasyon at pagsasanay sa mga susunod na doktor at nurse upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Ito ang mensahe ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon sa kanyang pagbisita sa University of the Philippines o UP Manila nitong Oktubre 9, kung saan siniyasat niya ang mga makabagong pasilidad para sa pagsasanay ng mga estudyante ng medisina at nursing.
Ayon kay De Leon, bagama’t mahalaga ang libreng matrikula upang mas maraming estudyante ang makapag-aral sa kolehiyo, dapat din silang magkaroon ng sapat na pasilidad, kagamitan, mahuhusay na guro, at praktikal na pagsasanay.
Binigyang-diin niya na ang kalidad ng pagsasanay sa kasalukuyan ay maaaring magtakda sa kalidad ng serbisyong medikal sa hinaharap.
Kasama si UP Manila Chancellor Dr. Michael L. Tee, DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran, Assistant Secretary Gerald Janda, at iba pang opisyal ng unibersidad, binisita ni De Leon ang Surgical Knowledge Intensive Learning Laboratory through Simulation o SKILLS ng College of Medicine at ang Skills and Simulation Laboratory ng College of Nursing.
May halagang ₱45.8 milyong ang pasilidad ng College of Nursing, na may mga high-fidelity manikin at kunwaring clinical environment kung saan maaaring magsanay ang mga estudyante sa mga nursing procedure, pagtugon sa emergency, at paggawa ng clinical decisions nang hindi inilalagay sa panganib ang mga aktuwal na pasyente. Kayang tumanggap ng hanggang 40 katao ng bawat training room.